Nung una mong sinabing sa wakas ay natanggap ka na at sa katapusan na ng buwan ang alis mo, alam kong dapat matuwa ako para sa’yo. Kaya natuwa naman ako kahit alam kong hindi lang ang buhay mo ang magbabago, kundi pati na rin buhay ko. Alam ko na agad dun pa lang sa sinabi mo.

Hayskul tayo nung nasalubong ko sa corridor ang kaibigan ko – na kaibigan mo rin dahil magkasama kayo. Brown na brown ang suot mong contact lens kaya naalala ko. Akala ko nga matanda ka samin kaya nagulat ako nung sumunod na taon nang makita kong magkaklase tayo. Ang taray mo pa nga eh. Pero gusto kita talagang maging kaibigan kaya dinedma ko ang katarayan mo. Binigyan kita ng sulat na may kasamang bookmark para gamitin mo sa sandamakmak na makakapal na romance novels na forever binabasa mo. Natuwa ka sa sulat ko, at pati na rin yata sa bookmark, kaya napilitan kang maging kaibigan ko.

Mula noon, lagi ako sa bahay mo. Lagi rin kita kausap sa telepono. Gusto kasi kita kasi gusto mo ko kahit baliw ako. Gusto mo rin lahat ng kadramahan at kagaguhang kaakibat ng pagiging tao ko. Gusto kita kasi lahat na lang yata tinatawanan mo.

Nung umalis ka, naningkit ang mga mata ko sa kaiiyak. Natuliro ang boyfriend ko kasi hindi ako nagsalita pero nagngangangawa ako ng isang buong linggo. Di ko masabing sobrang sama ng loob ko kasi hindi kita nakita ni nakausap bago ka sumakay ng eroplano at iniwan ako. Hindi ko rin naibigay ang sulat na utang ko sa’yo.

Inabangan ko ang pagbalik mo, na itinumbas ko sa pagbabalik ng buhay ko, at ng parte ng kaluluwa kong sa pakiwari ko ay dinala mo. Ano ba naman ang isang taon…

Isang buong taong wala ka para tawagan sa kalagitnaan ng mga gabing wala akong makausap, wala ka para puntahan kapag magulo ang aking utak. Sana kung andito ka, baka gumradweyt ako. O kung ‘di man, andun ka para sa akin nung dinisown ako ng tatay ko. Sana sa’yo ko tumira, ikaw ang nagpakain sa akin, ikaw ang nagbayad ng mga pamasahe ko o kung ‘di man magkasama tayong naglakad paroo’t-parito. Sana natulungan mo ko nung away kami nang away ng boyfriend ko – tutal kasalanan mo naman kung bakit naging kami. Nung dinala ko kasi siya sa bahay mo para tingnan siya at itanong kung ano ang gagawin ko, sinabi mong sagutin ko ng oo dahil gwapo. At higit sa lahat, sana sa kama mo ako natulog nung mga gabing ayokong matulog sa akin. Sa kama mo kasi walang nangyayari. Sana ikaw pa rin kasama kong magyosi, maglasing o uminom ng kape. At hindi kung sinu-sinong lalaki.

Kung iniwan mong magulo ang buhay ko at dinatnan itong mas magulo, kasalanan mo. Kasi iniwan mo ako at nawindang ako sa kakahanap ng kapalit mo.

Kung alam mo lang kung gano kita hinanap. Kung ilang sulat ang ginawa ko at ilan pa ang naiwan sa utak ko dahil lang hindi ko alam kung pano sila makakarating sayo. Kung ilang beses kong inangat ang telepono para i-dial ang mga numerong ni hindi ko alam kung ano.

Pero isang taon na ang nagdaan. Inipon ko ang lahat ng kwento ko, pati na ang mga luha ko para sa pagbabalik mo. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin nakikita ni anino mo. Hindi ko pa rin alam kung saan ko ipapadala ang mga sulat ko. Hindi ko pa rin alam kung anong mga numero ang ida-dial ko.

###############

Love Stories : Bakit Galit Ako Sa’yo
Contributed by angkULET (Edited by the_messenger)
Friday, June 18, 2004 @ 05:20:56 PM

First seen online here.

Share: